Daniel 2:14-24 Ang Biblia (TLAB)

14. Nang magkagayo'y nagbalik ng sagot si Daniel na may payo at kabaitan kay Arioch na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas na tao sa Babilonia;

15. Siya'y sumagot, at nagsabi kay Arioch na punong kawal ng hari, Bakit ang pasiya ay totoong madalian mula sa hari? Nang magkagayo'y ipinatalastas ni Arioch ang bagay kay Daniel.

16. At si Daniel ay pumasok, at humiling sa hari na takdaan siya ng panahon, at kaniyang ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

17. Nang magkagayo'y naparoon si Daniel sa kaniyang bahay, at ipinaalam ang bagay kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias, na kaniyang mga kasama:

18. Upang sila'y magsipagnais ng kaawaan sa Dios ng langit tungkol sa lihim na ito; upang si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay hindi mangamatay na kasama ng ibang mga pantas na tao sa Babilonia.

19. Nang magkagayo'y nahayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Dios sa langit.

20. Si Daniel ay sumagot, at nagsabi, Purihin ang pangalan ng Dios magpakailan man: sapagka't ang karunungan at kapangyarihan ay kaniya.

21. At kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nagaalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa makakaalam ng unawa;

22. Siya'y naghahayag ng malalim at lihim na mga bagay; kaniyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay tumatahang kasama niya.

23. Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka't iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.

24. Kaya't pinasok ni Daniel si Arioch na siyang inihalal ng hari na lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; siya'y naparoon, at nagsabi sa kaniya ng ganito, Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.

Daniel 2