1. At nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor ay nanaginip si Nabucodonosor ng mga panaginip; at ang kaniyang espiritu ay nabagabag, at siya'y napukaw sa pagkakatulog.
2. Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari ang mga mahiko, at ang mga enkantador, at ang mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang saysayin sa hari ang kaniyang mga panaginip. Sa gayo'y nagsipasok sila at sila'y nagsiharap sa hari.
3. At sinabi ng hari sa kanila, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at ang aking Espiritu ay nabagabag upang maalaman ang panaginip.
4. Nang magkagayo'y nagsalita ang mga Caldeo sa hari sa wikang Siria, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man: saysayin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.
5. Ang hari ay sumagot, at nagsabi sa mga Caldeo, Ang bagay ay nawala sa akin: kung di ninyo ipaliliwanag sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y pagpuputolputulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing dumihan.
6. Nguni't kung inyong ipaliwanag ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y magsisitanggap sa akin ng mga kaloob at mga kagantihan at dakilang karangalan: kaya't ipaliwanag ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon.
7. Sila'y nagsisagot na ikalawa, at nangagsabi, Saysayin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.