Daniel 11:1-11 Ang Biblia (TLAB)

1. At tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.

2. At ngayo'y aking ipatatalastas sa iyo ang katotohanan. Narito, tatayo pa ang tatlong hari sa Persia; at ang ikaapat ay magiging totoong mayaman kay sa kanilang lahat: at pagka siya'y lumakas sa kaniyang mga yaman, ay kaniyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.

3. At isang makapangyarihang hari ay tatayo, na magpupuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.

4. At pagka tatayo siya ay magigiba ang kaniyang kaharian, at mababahagi sa apat na hangin ng langit, nguni't hindi sa kaniyang anak, ni ayon man sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno; sapagka't ang kaniyang kaharian ay mabubunot para sa mga iba bukod sa mga ito.

5. At ang hari sa timugan ay magiging malakas, at ang isa sa kaniyang mga prinsipe; at siya'y magiging malakas kay sa kaniya, at magtataglay ng kapangyarihan; ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakilang kapangyarihan.

6. At sa katapusan ng mga taon, sila'y magpipipisan; at ang anak na babae ng hari sa timugan ay paroroon sa hari sa hilagaan upang gumawa ng pakikipagkasundo: nguni't hindi niya mapananatili ang lakas ng kaniyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nangagdala sa kaniya, at ang nanganak sa kaniya, at ang nagpalakas sa kaniya sa mga panahong yaon.

7. Nguni't sa suwi ng kaniyang mga ugat ay tatayo ang isa na kahalili niya na paroroon sa hukbo, at papasok sa katibayan ng hari sa hilagaan, at gagawa ng laban sa kanila, at mananaig.

8. At gayon din ang kanilang mga dios sangpu ng kanilang mga larawang binubo, at ng kanilang mga mainam na sisidlan na pilak at ginto ay dadalhing samsam sa Egipto; at siya'y magluluwat na ilang taon kay sa hari sa hilagaan.

9. At siya'y paroroon sa kaharian ng hari sa timugan, nguni't siya'y babalik sa kaniyang sariling lupain.

10. At ang kaniyang mga anak ay makikipagdigma, at mapipisan ng isang karamihang malaking hukbo, na magpapatuloy, at aabot, at lalagpas; at sila'y magsisibalik at makikipagdigma, hanggang sa kaniyang katibayan.

11. At ang hari sa timugan ay makikilos ng pagkagalit, at lalabas at makikipaglaban sa kaniya, sa makatuwid baga'y sa hari sa hilagaan; at siya'y maglalabas ng malaking karamihan, at ang karamiha'y mabibigay sa kaniyang kamay.

Daniel 11