7. At akong si Daniel ang nakakitang magisa ng pangitaing yaon; sapagka't ang mga lalake na kasama ko ay hindi nangakakita ng pangitain; kundi sumakanila ang isang di kawasang panginginig, at sila'y nagsitakas upang magsikubli.
8. Sa gayo'y iniwan akong magisa, at nakakita nitong dakilang pangitain, at nawalan ako ng lakas; sapagka't ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan at walang nanatiling lakas sa akin.
9. Gayon ma'y narinig ko ang tinig ng kaniyang mga salita; at nang aking marinig ang tinig ng kaniyang mga salita, ako nga'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog, na ang aking mukha ay pasubsob.
10. At, narito, isang kamay ay humipo sa akin, na nagtayo sa akin sa aking mga tuhod at sa mga palad ng aking mga kamay.
11. At sinabi niya sa akin, Oh Daniel, ikaw na lalaking minamahal na mainam, unawain mo ang mga salita na aking sinasalita sa iyo, at tumayo kang matuwid; sapagka't sa iyo'y sinugo ako ngayon. At ng kaniyang masalita ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
12. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Huwag kang matakot, Daniel; sapagka't mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong puso na makaunawa, at magpakababa sa harap ng iyong Dios, ang iyong mga salita ay dininig: at ako'y naparito alangalang sa iyong mga salita.
13. Nguni't ang prinsipe ng kaharian ng Persia ay nakipagpunyagi sa akin na dalawang pu't isang araw; nguni't, narito, si Miguel ay isa sa mga punong prinsipe, dumating upang tulungan ako: at ako'y natira doon na kasama ng mga hari sa Persia.
14. Ngayo'y naparito ako upang ipatalastas sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw; sapagka't ang pangitain ay ukol sa maraming mga araw pa.
15. At nang kaniyang masalita sa akin ang ayon sa mga salitang ito, ay aking itinungo ang aking mukha sa lupa, at ako'y napipi.
16. At, narito, isang gaya ng kahawig ng mga anak ng mga tao ay humipo ng aking mga labi: nang magkagayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ako'y nagsalita, at nagsabi sa kaniya na tumayo sa harap ko, Oh panginoon ko, dahil sa pangitain ay nagbalik sa akin ang aking mga kapanglawan, at hindi nananatili sa akin ang lakas.
17. Sapagka't paanong makikipagusap ang lingkod nitong aking panginoon sa panginoon kong ito? sapagka't tungkol sa akin, ay biglang nawalan ako ng lakas, ni may naiwan mang hininga sa akin.
18. Nang magkagayo'y hinipo uli ako roon ng isa na kamukha ng tao, at kaniyang pinalakas ako.