Apocalipsis 18:11-24 Ang Biblia (TLAB)

11. At ang mga mangangalakal sa lupa ay mangagsisiiyak at mangagluluksa tungkol sa kaniya, sapagka't wala nang bibili pa ng kaniyang kalakal;

12. Ng kalakal na ginto at pilak, at mahalagang bato, at mga perlas, at mainam na lino, at kayong kulay ube, at sutla, at kayong pula; at sarisaring mababangong kahoy, at bawa't kasangkapang garing, at bawa't kasangkapang mahalagang kahoy, at tanso, at bakal, at marmol;

13. At kanela, at especias, at incienso, at ungguento, at kamangyan, at alak, at langis, at mainam na harina, at trigo, at mga baka, at mga tupa; at kalakal na mga kabayo at mga karo, at mga alipin; at mga kaluluwa ng mga tao.

14. At ang mga bungang pinipita mo ay nangapalayo sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at hindi na mangasusumpungan pa.

15. Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nangagsiyaman dahil sa kaniya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nagsisiiyak at nagsisipagluksa;

16. Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong dakilang bayan, siya na nararamtan ng mahalagang lino at ng kayong kulay ube, at pula, at napapalamutihan ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas!

17. Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan. At bawa't pinunong daong, at bawa't naglalayag saan mang dako, at ang mga mangdaragat, at lahat ng nagsisipaghanap-buhay sa dagat, ay nangakatayo sa malayo,

18. At nangagsisisigaw pagkakita sa usok ng kaniyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong bayan ang katulad ng dakilang bayan?

19. At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol.

20. Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya.

21. At dinampot ng isang anghel na malakas ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, igigiba ang Babilonia, ang dakilang bayan, at hindi na masusumpungan pa.

22. At ang tinig ng mga manunugtog ng alpa, at ng mga musiko at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng pakakak ay hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anomang gawa ay masusumpungan pa sa iyo; at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo;

23. At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa.

24. At nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.

Apocalipsis 18