Apocalipsis 18:1-8 Ang Biblia (TLAB)

1. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian.

2. At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.

3. Sapagka't dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan.

4. At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:

5. Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.

6. Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo.

7. Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa.

8. Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya.

Apocalipsis 18