Amos 5:8-19 Ang Biblia (TLAB)

8. Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);

9. Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.

10. Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.

11. Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.

12. Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.

13. Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.

14. Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.

15. Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.

16. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.

17. At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.

18. Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.

19. Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.

Amos 5