Amos 5:10-23 Ang Biblia (TLAB)

10. Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.

11. Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.

12. Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.

13. Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.

14. Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.

15. Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.

16. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.

17. At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.

18. Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.

19. Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.

20. Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning?

21. Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan.

22. Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa kapayapaan na inyong mga matabang hayop.

23. Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola.

Amos 5