2 Samuel 3:6-18 Ang Biblia (TLAB)

6. At nangyari, samantalang may pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David, na si Abner ay nagpakalakas sa sangbahayan ni Saul.

7. Si Saul nga ay may babae na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aja: at sinabi ni Is-boseth kay Abner, Bakit ka sumiping sa babae ng aking ama?

8. Nang magkagayo'y nagalit na mainam si Abner dahil sa mga salita ni Is-boseth, at sinabi, Ako ba'y isang ulo ng aso na nauukol sa Juda? Sa araw na ito ay nagpapakita ako ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Saul na iyong ama, sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David, at gayon ma'y iyong ibinibintang sa araw na ito sa akin ang isang kasalanan tungkol sa babaing ito.

9. Hatulan ng Dios si Abner, at lalo na, malibang gawin kong gayon sa kaniya, na gaya ng isinumpa ng Panginoon kay David;

10. Na ilipat ang kaharian mula sa sangbahayan ni Saul, at itatag ang luklukan ni David sa Israel, at sa Juda mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.

11. At hindi siya nakasagot kay Abner ng isang salita, sapagka't siya'y natakot sa kaniya.

12. At si Abner ay nagsugo ng mga sugo kay David, sa ganang kaniya, na sinasabi naman, Makipagtipan ka sa akin, at, narito, ang aking kamay ay sasa iyo, upang dalhin sa iyo ang buong Israel.

13. At kaniyang sinabi, Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo; nguni't isang bagay ang hinihiling ko sa iyo, na ito nga: huwag mong titingnan ang aking mukha, maliban na iyo munang dalhin si Michal na anak na babae ni Saul, pagparito mo upang tingnan ang aking mukha.

14. At nagsugo ng mga sugo si David kay Is-boseth na anak ni Saul, na sinasabi, Isauli mo sa akin ang aking asawa na si Michal, na siyang aking pinakasalan sa halaga na isang daang balat ng masama ng mga Filisteo.

15. At nagsugo si Is-boseth, at kinuha siya sa kaniyang asawa, kay Paltiel na anak ni Lais.

16. At ang kaniyang asawa'y yumaong kasama niya na umiyak habang siya'y yumayaon, at sumusunod sa kaniya hanggang sa Bahurim. Nang magkagayo'y sinabi ni Abner sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka: at siya'y bumalik.

17. At nakipag-usap si Abner sa mga matanda sa Israel, na sinasabi, Sa panahong nakaraan ay inyong hinanap si David upang maging hari sa inyo:

18. Ngayon nga ay inyong gawin: sapagka't sinalita ng Panginoon tungkol kay David, na sinasabi, Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at sa kamay ng lahat nilang mga kaaway.

2 Samuel 3