2 Samuel 22:7-17 Ang Biblia (TLAB)

7. Sa aking pagkahapis ay tumawag ako sa Panginoon; Oo, ako'y tumawag sa aking Dios: At kaniyang dininig ang aking tinig mula sa kaniyang templo, At ang aking daing ay sumapit sa kaniyang mga pakinig.

8. Nang magkagayo'y umuga ang lupa at nayanig. Ang mga pinagtitibayan ng langit ay nangakilos. At nangauga, sapagka't siya'y nagalit.

9. Umilanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, At apoy na mula sa kaniyang bibig ay nanupok: Mga baga ay nagalab sa pamamagitan niyaon.

10. Kaniyang pinayukod din naman ang langit at bumaba: At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.

11. At siya'y sumakay sa isang querubin at lumipad: Oo, siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.

12. At ang kadiliman ay kaniyang ginawang mga kulandong sa palibot niya. Na nagpisan ng tubig, ng masisinsing alapaap sa langit.

13. Sa kaningningan sa harap niya Mga bagang apoy ay nagsipagalab.

14. Ang Panginoo'y kumulog sa langit, At ang Kataastaasan ay nagbigkas ng tinig niya.

15. At nagpahilagpos ng mga palaso, at pinangalat niya sila; Kumidlat, at nangatulig sila.

16. Nang magkagayo'y ang mga kalaliman sa dagat ay nangalitaw, Ang mga pinagtibayan ng sanglibutan ay nangakita. Dahil sa saway ng Panginoon, Sa hihip ng hinga ng kaniyang mga butas ng ilong.

17. Siya'y nagsugo mula sa itaas, kaniyang kinuha ako; kaniyang kinuha ako sa maraming tubig;

2 Samuel 22