2 Samuel 22:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. At sinalita ni David ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas ng Panginoon siya sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.

2. At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y aking malaking bato at aking katibayan, at tagapagligtas sa akin, sa makatuwid baga'y akin;

3. Ang Dios, ang aking malaking bato, na sa kaniya ako'y manganganlong: Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog at ampunan sa akin; Tagapagligtas sa akin, ikaw ang nagliligtas sa akin sa karahasan.

4. Ako'y tatawag sa Panginoon na karapatdapat purihin: Sa ganya'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.

5. Sapagka't ang mga alon ng kamatayan ay kumulong sa akin; Ang mga baha ng kalikuan ay tumakot sa akin.

6. Ang mga panali ng Sheol ay lumibid sa akin: Ang mga silo ng kamatayan ay nagsisapit sa akin.

7. Sa aking pagkahapis ay tumawag ako sa Panginoon; Oo, ako'y tumawag sa aking Dios: At kaniyang dininig ang aking tinig mula sa kaniyang templo, At ang aking daing ay sumapit sa kaniyang mga pakinig.

8. Nang magkagayo'y umuga ang lupa at nayanig. Ang mga pinagtitibayan ng langit ay nangakilos. At nangauga, sapagka't siya'y nagalit.

9. Umilanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, At apoy na mula sa kaniyang bibig ay nanupok: Mga baga ay nagalab sa pamamagitan niyaon.

10. Kaniyang pinayukod din naman ang langit at bumaba: At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.

11. At siya'y sumakay sa isang querubin at lumipad: Oo, siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.

12. At ang kadiliman ay kaniyang ginawang mga kulandong sa palibot niya. Na nagpisan ng tubig, ng masisinsing alapaap sa langit.

2 Samuel 22