1. At nagkataon, na may isang lalake, na ang pangala'y Seba, na anak ni Bichri, na Benjamita: at kaniyang hinipan ang pakakak, at nagsabi, Kami ay walang bahagi kay David, o anomang mana sa anak ni Isai: bawa't tao ay sa kaniyang mga tolda, Oh Israel.
2. Sa gayo'y lahat ng mga lalake ng Israel ay nagsiahong mula sa pagsunod kay David, at nagsisunod kay Seba na anak ni Bichri: nguni't ang mga anak ni Juda ay nagsisanib sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.
3. At dumating si David sa kaniyang bahay sa Jerusalem; at kinuha ng hari ang sangpung babae na kaniyang mga kinakasama, na siyang mga iniwan niya upang magsipagingat ng bahay, at mga inilagay sa pagbabantay at mga hinandaan sila ng pagkain, nguni't hindi sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa kaarawan ng kanilang kamatayan, na nangamuhay sa pagkabao.