2 Samuel 2:10-22 Ang Biblia (TLAB)

10. Si Is-boseth na anak ni Saul ay may apat na pung taon nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari na dalawang taon. Nguni't ang sangbahayan ni Juda ay sumunod kay David.

11. At ang panahon na ipinaghari ni David sa Hebron sa sangbahayan ni Juda ay pitong taon at anim na buwan.

12. At si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Is-boseth na anak ni Saul, ay nangapasa Gabaon mula sa Mahanaim.

13. At si Joab na anak ni Sarvia, at ang mga lingkod ni David ay nagsilabas, at sinalubong sila sa siping ng tangke sa Gabaon; at sila'y naupo, na ang isa'y sa isang dako ng tangke, at ang isa'y sa kabilang dako ng tangke.

14. At sinabi ni Abner kay Joab, Isinasamo ko sa iyo na bumangon ang mga bataan at magsanay ng tabak sa harap natin. At sinabi ni Joab, Bumangon sila.

15. Nang magkagayo'y bumangon sila at tumawid ayon sa bilang; labing dalawa sa Benjamin, at sa ganang kay Is-boseth na anak ni Saul, at labing dalawa sa mga lingkod ni David.

16. At hinawakan sa ulo ng bawa't isa sa kanila ang kaniyang kaaway, at isinaksak ang kaniyang tabak sa tagiliran ng kaniyang kaaway; sa gayo'y nangabuwal sila na magkakasama: kaya't ang dakong yaon ay tinatawag na Helcath-assurim na nasa Gabaon.

17. At ang pagbabaka ay lumalalang mainam nang araw na yaon; at si Abner ay nadaig, at ang mga lalake ng Israel sa harap ng mga lingkod ni David.

18. At nandoon ang tatlong anak ni Sarvia, si Joab, at si Abisai, at si Asael: at si Asael ay magaan ang paa na gaya ng mailap na usa.

19. At hinabol ni Asael si Abner; at sa pagyaon, siya'y hindi lumihis sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.

20. Nang magkagayo'y nilingon ni Abner, at sinabi, Ikaw ba'y si Asael? At siya'y sumagot: Ako nga.

21. At sinabi ni Abner sa kaniya, Lumihis ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at iyong tangnan ang isa sa mga bataan, at kunin mo ang kaniyang sakbat. Nguni't ayaw ni Asael na humiwalay sa pagsunod sa kaniya.

22. At sinabi uli ni Abner kay Asael, Lumihis ka sa pagsunod sa akin: bakit nga kita ibubulagta sa lupa? paanong aking maitataas nga ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?

2 Samuel 2