2 Samuel 19:19-38 Ang Biblia (TLAB)

19. At sinabi niya sa hari, Huwag paratangan ng kasamaan ako ng aking panginoon, o alalahanin man ang ginawa na may kalikuan ng iyong lingkod sa araw na ang aking panginoon na hari ay lumabas sa Jerusalem, upang isapuso ng hari.

20. Sapagka't nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala: kaya't, narito, ako'y naparirito sa araw na ito, na una sa lahat ng sangbahayan ni Jose upang lumusong na salubungin ang aking panginoon na hari.

21. Nguni't si Abisai na anak ni Sarvia ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba papatayin si Semei dahil dito, sapagka't kaniyang isinumpa ang pinahiran ng langis ng Panginoon?

22. At sinabi ni David, Ano ang ipakikialam ko sa inyo, mga anak ni Sarvia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? may sinoman bang papatayin sa araw na ito sa Israel? sapagka't di ko ba talastas na ako'y hari sa araw na ito sa Israel?

23. At sinabi ng hari kay Semei, Ikaw ay hindi mamamatay. At ang hari ay sumumpa sa kaniya.

24. At si Mephiboseth na anak ni Saul ay lumusong na sinalubong ang hari; at hindi man siya naghugas ng kaniyang mga paa, o naggupit man ng kaniyang balbas, o nilabhan man ang kaniyang mga suot, mula sa araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwi na payapa sa bahay.

25. At nangyari, nang siya'y dumating sa Jerusalem upang salubungin ang hari, na sinabi ng hari sa kaniya, Bakit hindi ka yumaong kasama ko, Mephiboseth?

26. At siya'y sumagot, Panginoon ko, Oh hari, dinaya ako ng aking lingkod: sapagka't sinabi ng iyong lingkod, Ako'y maghahanda ng isang asno, upang aking masakyan, at yumaong kasama ng hari; sapagka't ang iyong lingkod ay pilay.

27. At kaniyang binintangan ang iyong lingkod sa aking panginoon na hari; nguni't ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Dios: gawin mo nga kung ano ang mabuti sa iyong mga mata.

28. Sapagka't ang buong sangbahayan ng aking ama ay mga patay na lalake lamang sa harap ng panginoon kong hari: gayon ma'y inilagay mo ang iyong lingkod sa kasamahan ng nagsisikain sa iyong sariling dulang. Ano pa ngang matuwid mayroon ako, na aking maisisigaw pa sa hari?

29. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit nagsasalita ka pa ng iyong mga bagay? Aking sinabi, Ikaw at si Siba ay maghati sa lupa.

30. At sinabi ni Mephiboseth sa hari, Oo, ipakuha mo sa kaniya ang lahat, yamang ang aking panginoon na hari ay dumating na payapa sa kaniyang sariling bahay.

31. At si Barzillai na Galaadita ay lumusong mula sa Rogelim; at siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid niya siya sa dako roon ng Jordan.

32. Si Barzillai nga ay lalaking matanda nang totoo, na may walong pung taon: at kaniyang ipinaghanda ang hari ng pagkain samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagka't siya'y totoong dakilang tao.

33. At sinabi ng hari kay Barzillai, Tumawid kang kasama ko, at aking pakakanin ka sa Jerusalem.

34. At sinabi ni Barzillai sa hari, Gaano na lamang ang mga araw ng mga taon ng aking buhay, na aahon pa ako sa Jerusalem na kasama ng hari?

35. Ako sa araw na ito'y may walong pung taon na; makapapansin pa ba ako ng mabuti at masama? malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kaniyang kinakain at iniinom? maririnig ko pa ba ang tinig ng mangaawit na lalake at babae? bakit pa nga magiging isang pasan ang iyong lingkod sa aking panginoon na hari?

36. Ang iyong lingkod ay yayaon na lamang ng kaunti sa dako roon ng Jordan na kasama ng hari: at bakit gagantihin ng hari ako ng ganyang ganting pala?

37. Isinasamo ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, sa siping ng libingan ng aking ama at ng aking ina. Nguni't, narito, ang iyong lingkod na Chimham: bayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoon na hari; at gawin mo sa kaniya, kung ano ang mamabutihin mo.

38. At sumagot ang hari, Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kaniya ang aakalain mong mabuti: at anomang iyong kailanganin sa akin ay aking gagawin alangalang sa iyo.

2 Samuel 19