16. At si Semei na anak ni Gera, na Benjamita, na taga Bahurim, ay nagmadali at lumusong na kasama ang mga lalake ng Juda upang salubungin ang haring si David.
17. At may isang libong lalake ng Benjamin na kasama siya, at si Siba, na alila sa sangbahayan ni Saul, at ang kaniyang labing limang anak at ang kaniyang dalawang pung alila na kasama niya; at sila'y nagsitawid sa Jordan sa harap ng hari.
18. At may tawiran naman upang tawiran ng sangbahayan ng hari, at gawin ang kaniyang inaakalang mabuti. At si Semei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari, nang siya'y makatawid sa Jordan.
19. At sinabi niya sa hari, Huwag paratangan ng kasamaan ako ng aking panginoon, o alalahanin man ang ginawa na may kalikuan ng iyong lingkod sa araw na ang aking panginoon na hari ay lumabas sa Jerusalem, upang isapuso ng hari.
20. Sapagka't nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala: kaya't, narito, ako'y naparirito sa araw na ito, na una sa lahat ng sangbahayan ni Jose upang lumusong na salubungin ang aking panginoon na hari.
21. Nguni't si Abisai na anak ni Sarvia ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba papatayin si Semei dahil dito, sapagka't kaniyang isinumpa ang pinahiran ng langis ng Panginoon?
22. At sinabi ni David, Ano ang ipakikialam ko sa inyo, mga anak ni Sarvia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? may sinoman bang papatayin sa araw na ito sa Israel? sapagka't di ko ba talastas na ako'y hari sa araw na ito sa Israel?
23. At sinabi ng hari kay Semei, Ikaw ay hindi mamamatay. At ang hari ay sumumpa sa kaniya.
24. At si Mephiboseth na anak ni Saul ay lumusong na sinalubong ang hari; at hindi man siya naghugas ng kaniyang mga paa, o naggupit man ng kaniyang balbas, o nilabhan man ang kaniyang mga suot, mula sa araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwi na payapa sa bahay.
25. At nangyari, nang siya'y dumating sa Jerusalem upang salubungin ang hari, na sinabi ng hari sa kaniya, Bakit hindi ka yumaong kasama ko, Mephiboseth?
26. At siya'y sumagot, Panginoon ko, Oh hari, dinaya ako ng aking lingkod: sapagka't sinabi ng iyong lingkod, Ako'y maghahanda ng isang asno, upang aking masakyan, at yumaong kasama ng hari; sapagka't ang iyong lingkod ay pilay.
27. At kaniyang binintangan ang iyong lingkod sa aking panginoon na hari; nguni't ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Dios: gawin mo nga kung ano ang mabuti sa iyong mga mata.
28. Sapagka't ang buong sangbahayan ng aking ama ay mga patay na lalake lamang sa harap ng panginoon kong hari: gayon ma'y inilagay mo ang iyong lingkod sa kasamahan ng nagsisikain sa iyong sariling dulang. Ano pa ngang matuwid mayroon ako, na aking maisisigaw pa sa hari?