15. Sa gayo'y bumalik ang hari, at naparoon sa Jordan. At ang Juda ay naparoon sa Gilgal, upang salubungin ang hari, na itawid ang hari sa Jordan.
16. At si Semei na anak ni Gera, na Benjamita, na taga Bahurim, ay nagmadali at lumusong na kasama ang mga lalake ng Juda upang salubungin ang haring si David.
17. At may isang libong lalake ng Benjamin na kasama siya, at si Siba, na alila sa sangbahayan ni Saul, at ang kaniyang labing limang anak at ang kaniyang dalawang pung alila na kasama niya; at sila'y nagsitawid sa Jordan sa harap ng hari.
18. At may tawiran naman upang tawiran ng sangbahayan ng hari, at gawin ang kaniyang inaakalang mabuti. At si Semei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari, nang siya'y makatawid sa Jordan.
19. At sinabi niya sa hari, Huwag paratangan ng kasamaan ako ng aking panginoon, o alalahanin man ang ginawa na may kalikuan ng iyong lingkod sa araw na ang aking panginoon na hari ay lumabas sa Jerusalem, upang isapuso ng hari.
20. Sapagka't nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala: kaya't, narito, ako'y naparirito sa araw na ito, na una sa lahat ng sangbahayan ni Jose upang lumusong na salubungin ang aking panginoon na hari.
21. Nguni't si Abisai na anak ni Sarvia ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba papatayin si Semei dahil dito, sapagka't kaniyang isinumpa ang pinahiran ng langis ng Panginoon?
22. At sinabi ni David, Ano ang ipakikialam ko sa inyo, mga anak ni Sarvia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? may sinoman bang papatayin sa araw na ito sa Israel? sapagka't di ko ba talastas na ako'y hari sa araw na ito sa Israel?