12. Sa gayo'y aabutin natin siya sa ibang dako na kasusumpungan natin sa kaniya, at tayo'y babagsak sa kaniya na gaya ng hamog na lumalapag sa lupa: at sa kaniya at sa lahat ng mga lalake na nasa kaniya ay hindi tayo magiiwan kahit isa.
13. Bukod dito, kung siya'y umurong sa isang bayan, ang buong Israel ay magdadala nga ng mga lubid sa bayang yaon, at ating babatakin sa ilog, hanggang sa walang masumpungan doon kahit isang maliit na bato.
14. At si Absalom at ang lahat na lalake sa Israel ay nagsipagsabi, Ang payo ni Husai na Arachita ay lalong mabuti kay sa payo ni Achitophel. Sapagka't ipinasiya ng Panginoon na masansala ang mabuting payo ni Achitophel, upang dalhin ng Panginoon ang kasamaan kay Absalom.
15. Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote. Ganito't ganito ang ipinayo ni Achitophel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; at ganito't ganito ang aking ipinayo.
16. Ngayon nga'y magsugo kang madali, at saysayin kay David, na sabihin, Huwag kang tumigil ng gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anomang paraan ay tumawid ka: baka ang hari ay mapatay at ang buong bayan na nasa kaniya.
17. Si Jonathan at si Ahimaas nga ay nagsitigil sa tabi ng Enrogel; at isang alilang babae ang pinaparoon at pinapagsaysay sa kanila; at sila'y nagsiparoon, at isinaysay sa haring kay David: sapagka't sila'y hindi makapakitang pumasok sa bayan.
18. Nguni't nakita sila ng isang bata, at isinaysay kay Absalom: at sila'y kapuwa lumabas na nagmadali, at sila'y nagsiparoon sa bahay ng isang lalake sa Bahurim, na may isang balon sa kaniyang looban; at sila'y nagsilusong doon.
19. At ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at nilagyan ng mga trigo na giniik; at walang bagay na naalaman.
20. At ang mga bataan ni Absalom ay nagsidating sa babae sa bahay; at kanilang sinabi, Saan nandoon si Ahimaas at si Jonathan? At sinabi ng babae sa kanila, Sila'y tumawid sa batis ng tubig. At nang kanilang mahanap at hindi nila masumpungan ay bumalik sila sa Jerusalem.
21. At nangyari, pagkatapos na sila'y makaalis, na sila'y nagsilabas sa balon, at nagsiyaon at isinaysay sa haring kay David: at kanilang sinabi kay David, Kayo'y magsibangon, at magsitawid na madali sa tubig: sapagka't ganito ang ipinayo ni Achitophel laban sa inyo.
22. Nang magkagayo'y nagsibangon si David, at ang buong bayan na kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan; sa pagbubukang liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi tumawid sa Jordan.