12. Marahil ay titingnan ng Panginoon ang kasamaang ginagawa sa akin, at gagawan ako ng mabuti ng Panginoon sa sumpa niya sa akin sa araw na ito.
13. Sa gayo'y nagpatuloy ng lakad si David at ang kaniyang mga lalake: at si Semei ay yumaon sa tagiliran ng bundok sa tapat niya, at sumusumpa habang siya'y yumayaon, at hinahagis ng bato siya, at nananaboy ng alabok.
14. At ang hari at ang buong bayan na nasa kaniya ay nagsidating na pagod; at siya'y nagpahinga roon.
15. At si Absalom at ang buong bayan, na mga lalake ng Israel, ay nagsidating sa Jerusalem at si Achitophel na kasama niya.
16. At nangyari, nang si Husai na Arachita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, na sinabi ni Husai kay Absalom, Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.
17. At sinabi ni Absalom kay Husai, Ito ba ang iyong kagandahang loob sa iyong kaibigan? bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?
18. At sinabi ni Husai kay Absalom, Hindi; kundi kung sinong piliin ng Panginoon, at ng bayang ito, at ng lahat na lalake sa Israel, doroon ako, at sa kasamahan noon tatahan ako.