2 Samuel 15:3-20 Ang Biblia (TLAB)

3. At sinabi ni Absalom sa kaniya, Tingnan mo, ang iyong usap ay mabuti at matuwid: nguni't walang kinatawan ang hari na duminig sa iyong usap.

4. Sinabi ni Absalom bukod dito: Oh maging hukom sana ako sa lupain, upang ang bawa't tao na may anomang usap, o anomang bagay, ay pumarito sa akin at siya'y aking magawan ng katuwiran!

5. At nangyayari na pagka ang sinoman ay lumalapit upang magbigay galang sa kaniya, na kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay at hinahawakan siya at hinahalikan siya.

6. At ganitong paraan ang ginagawa ni Absalom sa buong Israel na naparoroon sa hari sa pagpapahatol: sa gayo'y ginanyak ni Absalom ang mga kalooban ng mga tao ng Israel.

7. At nangyari, sa katapusan ng apat na pung taon, na sinasabi ni Absalom sa hari, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako at ako'y tumupad ng aking panata na aking ipinanata sa Panginoon, sa Hebron.

8. Sapagka't ang iyong lingkod ay nanata ng isang panata samantalang ako'y tumatahan sa Gesur sa Siria, na nagsabi, Kung tunay na dadalhin uli ako ng Panginoon sa Jerusalem, maglilingkod nga ako sa Panginoon.

9. At sinabi ng hari sa kaniya, Yumaon kang payapa. Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Hebron.

10. Nguni't si Absalom ay nagsugo ng mga tiktik sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, Pagkarinig ninyo ng tunog ng pakakak, inyo ngang sasabihin, Si Absalom ay hari sa Hebron.

11. At lumabas sa Jerusalem na kasama ni Absalom ay dalawang daang lalake na mga inanyayahan, at nangaparoon silang walang malay; at wala silang nalalamang anoman.

12. At pinagsuguan ni Absalom si Achitophel na Gilonita, na kasangguni ni David, mula sa kaniyang bayan, mula sa Gilo samantalang siya'y naghahandog ng mga hain. At mahigpit ang pagbabanta: sapagka't ang bayan na kasama ni Absalom ay dumadami ng dumadami.

13. At naparoon ang isang sugo kay David, na nagsasabi, Ang mga puso ng mga lalake ng Israel ay sumusunod kay Absalom.

14. At sinabi ni David sa lahat ng kaniyang mga lingkod na nasa kaniya sa Jerusalem, magsibangon kayo, at tayo'y magsitakas; sapagka't liban na rito ay walang makatatanan sa atin kay Absalom: mangagmadali kayo ng pagtakas, baka sa pagmamadali ay abutan tayo, at dalhan tayo ng kasamaan, at sugatan ang bayan ng talim ng tabak.

15. At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, Narito, ang iyong mga lingkod ay handa na gumawa ng anoman na pipiliin ng aming panginoon na hari.

16. At lumabas ang hari at ang buong sangbahayan niya na sumunod sa kaniya. At nagiwan ang hari ng sangpung babae, na mga kinakasama niya, upang magingat ng bahay.

17. At lumabas ang hari at ang buong bayan na kasunod niya: at sila'y nagpahinga sa Beth-merac.

18. At ang lahat niyang mga lingkod ay nagsidaan sa siping niya; at ang lahat na Ceretheo, at ang lahat na Peletheo, at ang lahat ng mga Getheo, na anim na raang lalake na nagsisunod sa kaniya mula sa Gath, na nangagpapauna sa hari.

19. Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ittai na Getheo, Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? bumalik ka at tumahan kang kasama ng hari: sapagka't ikaw ay taga ibang lupa at tapon pa: bumalik ka sa iyong sariling dako.

20. Yamang kahapon ka lamang dumating ay papagpapanhik manaugin na ba kita sa araw na ito na kasama namin, dangang ako'y yumayaon kung saan maaari? bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; kaawaan at katotohanan nawa ang sumaiyo.

2 Samuel 15