2 Samuel 15:24-36 Ang Biblia (TLAB)

24. At, narito, pati si Sadoc at ang lahat na Levita na kasama niya, na may dala ng kaban ng tipan ng Dios; at kanilang inilapag ang kaban ng Dios, at sumampa si Abiathar, hanggang sa ang buong bayan ay nakalabas sa bayan.

25. At sinabi ng hari kay Sadoc, Ibalik mo ang kaban ng Dios sa bayan: kung ako'y makakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, kaniyang ibabalik ako at ipakikita sa akin ang kaban at gayon din ang kaniyang tahanan.

26. Nguni't kung sabihin niyang ganito, Hindi kita kinalulugdan; narito, ako'y nandito, gawin niya; sa akin ang inaakala niyang mabuti.

27. Sinabi rin ng hari kay Sadoc na saserdote, Hindi ka ba tagakita? bumalik kang payapa sa bayan, at ang iyong dalawang anak na kasama ninyo, si Ahimaas na iyong anak, at si Jonathan na anak ni Abiathar.

28. Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang, hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo na magpatotoo sa akin.

29. Dinala nga uli sa Jerusalem ni Sadoc at ni Abiathar ang kaban ng Dios: at sila'y nagsitahan doon.

30. At umahon si David sa ahunan sa bundok ng mga Olibo, at umiiyak habang siya'y umaahon; at ang kaniyang ulo ay may takip, at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo ng bawa't isa, at sila'y nagsisiahon, na nagsisiiyak habang sila'y nagsisiahon.

31. At isinaysay ng isa kay David na sinasabi, Si Achitophel ay nasa nanganghihimagsik na kasama ni Absalom. At sinabi ni David, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na iyong gawing kamangmangan ang payo ni Achitophel.

32. At nangyari na nang si David ay dumating sa taluktok ng bundok, na doon sinasamba ang Dios, narito, si Husai na Arachita ay sumalubong sa kaniya, na ang kaniyang suot ay hapak, at may lupa sa kaniyang ulo:

33. At sinabi ni David sa kaniya, Kung ikaw ay magpatuloy na kasama ko ay magiging isang pasan ka nga sa akin.

34. Nguni't kung ikaw ay bumalik sa bayan, at sabihin mo kay Absalom, Ako'y magiging iyong lingkod, Oh hari; kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan, ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon: kung magkagayo'y iyo ngang masasansala ang payo ni Achitophel sa ikabubuti ko.

35. At hindi ba kasama mo roon si Sadoc at si Abiathar na mga saserdote? kaya't mangyayari, na anomang bagay ang iyong marinig sa sangbahayan ng hari, iyong sasaysayin kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote.

36. Narito nasa kanila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaas na anak ni Sadoc, at si Jonathan na anak ni Abiathar; at sa pamamagitan nila ay inyong maipadadala sa akin ang bawa't bagay na inyong maririnig.

2 Samuel 15