20. Yamang kahapon ka lamang dumating ay papagpapanhik manaugin na ba kita sa araw na ito na kasama namin, dangang ako'y yumayaon kung saan maaari? bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; kaawaan at katotohanan nawa ang sumaiyo.
21. At sumagot si Ittai sa hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang aking panginoon na hari, tunay na kung saan dumoon ang aking panginoon na hari, maging sa kamatayan o sa kabuhayan ay doroon naman ang iyong lingkod.
22. At sinabi ni David kay Ittai, Ikaw ay yumaon at magpauna. At si Ittai na Getheo ay nagpauna, at ang lahat niyang lalake, at ang lahat na bata na kasama niya.
23. At ang buong lupain ay umiyak ng malakas, at ang buong bayan ay tumawid: ang hari man ay tumawid din sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid, sa daan ng ilang.
24. At, narito, pati si Sadoc at ang lahat na Levita na kasama niya, na may dala ng kaban ng tipan ng Dios; at kanilang inilapag ang kaban ng Dios, at sumampa si Abiathar, hanggang sa ang buong bayan ay nakalabas sa bayan.
25. At sinabi ng hari kay Sadoc, Ibalik mo ang kaban ng Dios sa bayan: kung ako'y makakasumpong ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, kaniyang ibabalik ako at ipakikita sa akin ang kaban at gayon din ang kaniyang tahanan.
26. Nguni't kung sabihin niyang ganito, Hindi kita kinalulugdan; narito, ako'y nandito, gawin niya; sa akin ang inaakala niyang mabuti.
27. Sinabi rin ng hari kay Sadoc na saserdote, Hindi ka ba tagakita? bumalik kang payapa sa bayan, at ang iyong dalawang anak na kasama ninyo, si Ahimaas na iyong anak, at si Jonathan na anak ni Abiathar.
28. Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang, hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo na magpatotoo sa akin.
29. Dinala nga uli sa Jerusalem ni Sadoc at ni Abiathar ang kaban ng Dios: at sila'y nagsitahan doon.
30. At umahon si David sa ahunan sa bundok ng mga Olibo, at umiiyak habang siya'y umaahon; at ang kaniyang ulo ay may takip, at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo ng bawa't isa, at sila'y nagsisiahon, na nagsisiiyak habang sila'y nagsisiahon.
31. At isinaysay ng isa kay David na sinasabi, Si Achitophel ay nasa nanganghihimagsik na kasama ni Absalom. At sinabi ni David, Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, na iyong gawing kamangmangan ang payo ni Achitophel.
32. At nangyari na nang si David ay dumating sa taluktok ng bundok, na doon sinasamba ang Dios, narito, si Husai na Arachita ay sumalubong sa kaniya, na ang kaniyang suot ay hapak, at may lupa sa kaniyang ulo:
33. At sinabi ni David sa kaniya, Kung ikaw ay magpatuloy na kasama ko ay magiging isang pasan ka nga sa akin.