2 Samuel 1:8-21 Ang Biblia (TLAB)

8. At sinabi niya sa akin, Sino ka? At ako'y sumagot sa kaniya, Ako'y isang Amalecita.

9. At kaniyang sinabi uli sa akin, Tumayo ka sa siping ko, isinasamo ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil sa dinatnan ako ng panglulumo; sapagka't ang aking buhay ay lubos ko pang taglay.

10. Sa gayo'y tumayo ako sa siping niya, at aking pinatay siya, sapagka't talastas ko na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal: at aking kinuha ang putong na nasa kaniyang ulo, at ang pulsera na nasa kaniyang kamay, at aking dinala rito sa aking panginoon.

11. Nang magkagayo'y tinangnan ni David ang kaniyang mga suot at pinaghapak; at gayon din ang ginawa ng lahat na lalake na kasama niya:

12. At sila'y tumangis, at umiyak, at nagayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kaniyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon, at dahil sa sangbahayan ng Israel; sapagka't sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

13. At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya, Taga saan ka? At siya'y sumagot: Ako'y anak ng isang taga ibang lupa, na Amalecita.

14. At sinabi ni David sa kaniya, Bakit hindi ka natakot na iunat mo ang iyong kamay na patayin ang pinahiran ng langis ng Panginoon?

15. At tinawag ni David ang isa sa mga bataan, at sinabi, Lumapit ka, at daluhungin mo siya. At kaniyang sinaktan siya, na anopa't namatay.

16. At sinabi ni David sa kaniya, Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagka't ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

17. At tinaghuyan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kaniyang anak:

18. (At kaniyang ipinaturo sa mga anak ni Juda ang awit sa pamamana narito, nasusulat sa aklat ni Jaser):

19. Ang iyong kaluwalhatian, Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako! Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan!

20. Huwag ninyong saysayin sa Gath, Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Ascalon; Baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay mangagalak, Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay.

21. Kayong mga bundok ng Gilboa, Huwag magkaroon ng hamog, o ulan man sa inyo, kahit mga bukid na mga handog: Sapagka't diyan ang kalasag ng makapangyarihan ay nahagis ng kahalayhalay. Ang kalasag ni Saul, na parang isa, na hindi pinahiran ng langis.

2 Samuel 1