13. Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa'y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila'y nangakikipagpiging sa inyo;
14. Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait,
15. Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa'y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama;
16. Datapuwa't siya'y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta.
17. Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila'y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman;
18. Sapagka't, sa pananalita ng mga kapalaluan na walang kabuluhan, ay umaakit sila sa masasamang pita ng laman, sa pamamagitan ng kalibugan, doon sa nagsisitakas sa nangamumuhay sa kamalian;
19. Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila'y mga alipin ng kabulukan; sapagka't ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon.
20. Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una.