5. At nang siya'y dumating, narito; ang mga punong kawal ng hukbo ay nangakaupo: at kaniyang sinabi, Ako'y may isang sadya sa iyo, Oh punong kawal. At sinabi ni Jehu, Sa alin sa aming lahat? At kaniyang sinabi, Sa iyo, Oh punong kawal.
6. At siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at kaniyang ibinuhos ang langis sa kaniyang ulo, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y sa Israel.
7. At iyong sasaktan ang sangbahayan ni Achab na iyong panginoon, upang aking ipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel.
8. Sapagka't ang buong sangbahayan ni Achab ay malilipol: at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't batang lalake, at ang nakulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.
9. At aking gagawin ang sangbahayan ni Achab na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia.
10. At lalapain ng mga aso si Jezabel sa putol ng lupa ni Jezreel, at walang maglilibing sa kaniya. At kaniyang binuksan ang pintuan, at tumakas.
11. Nang magkagayon, nilabas ni Jehu ang mga lingkod ng kaniyang panginoon: at sinabi ng isa sa kaniya, Lahat ba'y mabuti? bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? At sinabi niya sa kanila, Inyong kilala ang lalake at ang kaniyang pananalita.
12. At kanilang sinabi, Kabulaanan nga; saysayin mo sa amin ngayon. At kaniyang sinabi, Ganito't ganito ang sinalita niya sa akin, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Pinahiran kita ng langis upang maging hari sa Israel.
13. Nang magkagayo'y sila'y nangagmadali, at kinuha ng bawa't isa ang kaniyang kasuutan, at inilagay sa ilalim niya sa ibabaw ng hagdan, at humihip ng pakakak, na nagsasabi, Si Jehu ay hari.
14. Ganito, si Jehu na anak ni Josaphat, na anak ni Nimsi, nanghimagsik laban kay Joram. (Iningatan nga ni Joram ang Ramoth-galaad niya at ng buong Israel, dahil kay Hazael na hari sa Siria;
15. Nguni't bumalik ang haring Joram upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria.) At sinabi ni Jehu, Kung ito ang inyong isipan, huwag tumanan ang sinoman at lumabas sa bayan, upang yumaon na saysayin sa Jezreel.
16. Sa gayo'y sumakay si Jehu sa karo at naparoon sa Jezreel; sapagka't si Joram ay nahihiga roon. At si Ochozias na hari sa Juda ay bumaba upang tingnan si Joram.
17. Ang tagatanod nga ay tumayo sa moog sa Jezreel, at kaniyang tinanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, Ako'y nakakakita ng isang pulutong. At sinabi ni Joram, Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin na salubungin sila, at magsabi, Kapayapaan ba?