20. At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Siya'y dumating hanggang sa kanila, at hindi bumabalik: at ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi; sapagka't siya'y nagpapatakbo na magilas.
21. At sinabi ni Joram, Magsingkaw. At kanilang isiningkaw ang kaniyang karo. At si Joram na hari sa Israel at si Ochozias na hari sa Juda ay nagsilabas, bawa't isa sa kaniyang karo, at sila'y nagsilabas upang salubungin si Jehu, at nasumpungan nila siya sa putol ng lupa ni Naboth na Jezreelita.
22. At nangyari, nang makita ni Joram si Jehu, na kaniyang sinabi, Kapayapaan ba Jehu? At siya'y sumagot. Anong kapayapaan, habang ang mga pakikiapid ng iyong inang si Jezabel at ang kaniyang panggagaway ay totoong lumalala?
23. At ipinihit ni Joram ang kaniyang mga kamay, at tumakas, at nagsabi kay Ochozias. May paglililo, Oh Ochozias.
24. At binunot ni Jehu ang kaniyang busog ng kaniyang buong lakas, at sinaktan si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat, at ang pana ay lumagpas sa kaniyang puso, at siya'y nabuwal sa kaniyang karo.