2 Mga Hari 7:6-12 Ang Biblia (TLAB)

6. Sapagka't ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga Siria ang hugong ng mga karo, at ang huni ng mga kabayo, sa makatuwid baga'y ang hugong ng malaking hukbo: at sila'y nagsangusapan. Narito, inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Hetheo, at ang mga hari ng mga taga Egipto, upang magsidaluhong sa atin.

7. Kaya't sila'y nagsitindig, at nagsitakas sa pagtatakip silim, at iniwan ang kanilang mga tolda, at ang kanilang mga kabayo, at ang kanilang mga asno, at ang buong kampamento, na gaya ng dati, at nagsitakas dahil sa kanilang buhay.

8. At nang ang mga may ketong na ito'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento, sila'y nagsipasok sa isang tolda, at nagsikain at nagsiinom, at nagsipagdala mula roon ng pilak, at ng ginto, at ng bihisan, at nagsiyaon at itinago; at sila'y bumalik, at pumasok sa ibang tolda, at nagdala rin mula roon, at nagsiyaon at itinago.

9. Nang magkagayo'y nagsangusapan sila. Hindi mabuti ang ginagawa natin: ang araw na ito ay araw ng mabubuting balita, at tayo'y tumatahimik: kung tayo'y magsipaghintay ng hanggang sa pagliliwayway sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin: ngayon nga'y halina, tayo'y magsiyaon at ating saysayin sa sangbahayan ng hari.

10. Sa gayo'y nagsiparoon sila, at nagsitawag sa tagatanod-pinto ng bayan: at kanilang isinaysay sa kanila, na sinasabi, Kami ay nagsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria, at, narito, walang lalake roon ni tinig man ng lalake, kundi mga nakataling kabayo, at mga asnong nangakatali, at ang mga tolda na gaya ng dati.

11. At tinawag niya ang mga tagatanod-pinto; at kanilang sinaysay sa sangbahayan ng hari sa loob.

12. At ang hari ay bumangon sa gabi, at nagsabi sa kaniyang mga lingkod, Ipakikita ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga Siria sa atin. Kanilang talastas na tayo'y gutom; kaya't sila'y nagsilabas ng kampamento upang magsipangubli sa parang, na nagsasabi, Pagka sila'y nagsilabas sa bayan, ating kukunin silang buhay at papasok tayo sa bayan.

2 Mga Hari 7