13. At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako'y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya'y nasa Dothan.
14. Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila'y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.
15. At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?
16. At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.
17. At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.
18. At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
19. At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.
20. At nangyari, nang sila'y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila'y nangakakita; at, narito, sila'y nangasa gitna ng Samaria.
21. At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?
22. At siya'y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.
23. At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila'y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila'y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.
24. At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.
25. At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.
26. At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.
27. At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.
28. At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya'y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.
29. Sa gayo'y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.
30. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya'y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.