2 Mga Hari 6:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.

2. Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa't isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya'y sumagot, Magsiyaon kayo.

3. At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya'y sumagot, Ako'y yayaon.

4. Sa gayo'y yumaon siyang kasama nila. At nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng kahoy.

5. Nguni't samantalang ang isa'y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya'y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka't hiram.

6. At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya'y pumutol ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

7. At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo'y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.

8. Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya'y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo't gayong dako malalagay ang aking kampamento.

9. At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka't doo'y lumulusong ang mga taga Siria.

10. At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya'y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.

11. At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?

12. At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.

2 Mga Hari 6