13. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo ngayon sa kaniya, Narito, ikaw ay naging maingat sa amin ng buong pagiingat na ito; ano nga ang magagawa sa iyo? ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng hukbo? At siya'y sumagot, Ako'y tumatahan sa gitna ng aking sariling bayan.
14. At kaniyang sinabi, Ano nga ang magagawa sa kaniya? At sumagot si Giezi. Katotohanang siya'y walang anak, at ang kaniyang asawa ay matanda na.
15. At kaniyang sinabi, Tawagin siya. At nang kaniyang tawagin siya, siya'y tumayo sa pintuan.
16. At kaniyang sinabi, Sa panahong ito, pagpihit ng panahon, ikaw ang kakalong ng isang anak na lalake. At kaniyang sinabi, Hindi panginoon ko, ikaw na lalake ng Dios huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.
17. At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake nang panahong yaon, nang ang panahon ay makapihit gaya ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.
18. At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.
19. At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.
20. At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay.
21. At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.
22. At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.
23. At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.
24. Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.