2 Mga Hari 3:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Si Joram nga na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria nang ikalabing walong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at nagharing labing dalawang taon.

2. At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; nguni't hindi gaya ng kaniyang ama, at ng kaniyang ina: sapagka't kaniyang inalis ang haligi na pinakaalaala kay Baal na ginawa ng kaniyang ama.

3. Gayon ma'y lumakip siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel; hindi niya hiniwalayan.

4. Si Mesa nga na hari sa Moab ay may mga tupa; at siya'y nagbubuwis sa hari sa Israel ng balahibo ng isang daang libong kordero at ng isang daang libong lalaking tupa.

5. Nguni't nangyari nang mamatay si Achab, na ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa hari sa Israel.

6. At ang haring Joram ay lumabas sa Samaria nang panahong yaon, at hinusay ang buong Israel.

7. At siya'y yumaon, at nagsugo kay Josaphat na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa akin: yayaong ka ba na kasama ko laban sa Moab upang bumaka? At kaniyang sinabi, Ako'y aahon: ako'y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.

8. At kaniyang sinabi, Sa aling daan magsisiahon tayo? At siya'y sumagot, Sa daan ng ilang ng Edom.

9. Sa gayo'y yumaon ang hari sa Israel, at ang hari sa Juda, at ang hari sa Edom: at sila'y nagsiligid ng pitong araw na paglalakbay; at walang tubig para sa hukbo, o sa mga hayop man na nagsisisunod sa kanila.

10. At sinabi ng hari sa Israel, Sa aba natin! sapagka't tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sa kamay ng Moab.

11. Nguni't sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong isang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa Panginoon sa pamamagitan niya? At isa sa mga lingkod ng hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Si Eliseo na anak ni Saphat ay nandito na nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.

12. At sinabi ni Josaphat, Ang salita ng Panginoon ay sumasa kaniya. Sa gayo'y binaba siya ng hari sa Israel, at ni Josaphat at ng hari sa Edom.

2 Mga Hari 3