1. At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.
2. Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.
3. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa't walang tinapay sa bayan ng lupain.
4. Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.
5. Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.
6. Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.
7. At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.
8. Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.
9. At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.
10. At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.
11. At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.
12. Nguni't iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.