2 Mga Hari 19:6-22 Ang Biblia (TLAB)

6. At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.

7. Narito, ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.

8. Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.

9. At ng kaniyang marinig na sabihin ang tungkol kay Thiraca na hari sa Ethiopia, Narito, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo, siya'y nagsugo ng mga sugo uli kay Ezechias, na sinasabi,

10. Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang dayain ng Dios na iyong tinitiwalaan na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.

11. Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?

12. Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?

13. Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?

14. At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.

15. At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16. Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.

17. Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,

18. At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya't kanilang nilipol ang mga yaon.

19. Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.

20. Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.

21. Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.

22. Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel.

2 Mga Hari 19