2 Mga Hari 19:11-25 Ang Biblia (TLAB)

11. Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?

12. Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?

13. Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?

14. At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.

15. At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16. Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.

17. Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,

18. At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya't kanilang nilipol ang mga yaon.

19. Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.

20. Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.

21. Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.

22. Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel.

23. Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako'y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid.

24. Ako'y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.

25. Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton.

2 Mga Hari 19