8. Kaniyang sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa Gaza, at ang mga hangganan niyaon, mula sa moog ng bantay hanggang sa bayang nakukutaan.
9. At nangyari, nang ikaapat na taon ng haring Ezechias, na siyang ikapitong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Salmanasar na hari sa Asiria ay umahon laban sa Samaria, at kinubkob niya.
10. At sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop: sa makatuwid baga'y nang ikaanim na taon ni Ezechias, na siyang ikasiyam na taon ni Oseas na hari sa Israel, ang Samaria ay sinakop.
11. At dinala ng hari sa Asiria ang Israel sa Asiria, at inilagay sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo:
12. Sapagka't hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Dios, kundi kanilang sinalangsang ang kaniyang tipan, ang lahat na iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, at hindi dininig o ginawa man.
13. Nang ikalabing apat na taon nga ng haring Ezechias ay umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.
14. At si Ezechias na hari sa Juda ay nagsugo sa hari sa Asiria sa Lachis, na nagsasabi, Ako'y nagkasala; talikdan mo ako: ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran. At siningil ng hari sa Asiria si Ezechias na hari sa Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlong pung talentong ginto.
15. At ibinigay ni Ezechias ang lahat na pilak na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari.
16. Nang panahong yaon ay inihiwalay ni Ezechias ang ginto sa mga pintuan ng templo ng Panginoon, at sa mga haligi na binalutan ni Ezechias na hari sa Juda, at ibinigay sa hari sa Asiria.
17. At sinugo ng hari sa Asiria si Thartan at si Rab-saris, at si Rabsaces, sa haring kay Ezechias na mula sa Lachis na may malaking hukbo sa Jerusalem. At sila'y nagsiahon at nagsiparoon sa Jerusalem. At nang sila'y mangakaahon, sila'y nagsiparoon at nagsitayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan sa parang ng tagapagpaputi ng kayo.
18. At nang matawag na nila ang hari, ay nilabas sila ni Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala ng bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.
19. At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa ito sa iyong tinitiwalaan?
20. Iyong sinasabi (nguni't mga salitang walang kabuluhan lamang) May payo at kalakasan sa pakikipagdigma. Ngayon, kanino ka tumitiwala, na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?
21. Ngayon, narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na kahoy na lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto; na kung sinoman ay sumandal, ay tutuhog sa kaniyang kamay, at palalagpasan: gayon si Faraon na hari sa Egipto sa lahat na tumitiwala sa kaniya.
22. Nguni't kung inyong sabihin sa akin: Kami ay tumitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi ba siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako, at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito sa Jerusalem?
23. Isinasamo ko nga ngayon sa iyo na magbigay ka ng mga sangla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mangangabayo sa mga yaon.
24. Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang punong kawal sa pinaka mababa sa mga lingkod ng aking panginoon, at iyong ilalagak ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at sa mga mangangabayo?
25. Ako ba'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa dakong ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.
26. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim na anak ni Hilcias, at si Sebna, at ni Joah, kay Rabsaces. Isinasamo ko sa iyo na magsalita ka sa iyong mga lingkod ng wikang Siria; sapagka't aming naiintindihan yaon; at huwag kang magsalita sa amin ng wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.
27. Nguni't sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang salitain ang mga salitang ito? di ba niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang magsikain ng kanilang sariling dumi, at upang magsiinom ng kanilang sariling ihi na kasalo ninyo?