22. At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan;
23. Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.
24. At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon.
25. At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila.
26. Kaya't kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka't hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain.
27. Nang magkagayo'y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain.
28. Sa gayo'y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila'y marapat na matakot sa Panginoon.
29. Gayon ma'y bawa't bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa't bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan.
30. At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima,
31. At itinayo ng mga Avveo ang Nibhaz at ang Tharthac, at sinunog ng mga Sepharvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adrammelech at sa Anammelech, na mga dios ng Sefarvaim.
32. Sa gayo'y nangatakot sila sa Panginoon, at nagsipaghalal sila sa gitna nila ng mga saserdote sa mga mataas na dako, na siyang naghahain para sa kanila sa mga bahay, na nangasa mga mataas na dako.