2 Mga Hari 17:13-30 Ang Biblia (TLAB)

13. Gayon ma'y tumutol ang Panginoon sa Israel, at sa Juda, sa pamamagitan ng bawa't propeta, at ng bawa't tagakita, na sinasabi, Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga magulang, at aking ipinadala sa inyo, sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.

14. Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang pinatigas ang kanilang ulo, na gaya ng ulo ng kanilang mga magulang, na hindi nagsisampalataya sa Panginoon nilang Dios.

15. At kanilang itinakuwil ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang tipan na kaniyang itinipan sa kanilang mga magulang, at ang kaniyang mga patotoo na kaniyang ipinatotoo sa kanila; at sila'y nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan, at nagsisunod sa mga bansa na nangasa palibot nila, ayon sa ibinilin ng Panginoon na huwag silang magsigawa ng gaya ng mga yaon.

16. At kanilang iniwan ang lahat na utos ng Panginoon nilang Dios, at nagsigawa ng mga larawang binubo, sa makatuwid baga'y ng dalawang guya, at nagsigawa ng isang Asera, at sinamba ang buong natatanaw sa langit, at nagsipaglingkod kay Baal.

17. At kanilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, at nagsihilig sa panghuhula at mga panggagaway, at nangapabili upang magsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit.

18. Kaya't ang Panginoon ay totoong nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin: walang naiwan kundi ang lipi ni Juda lamang.

19. Hindi rin naman iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Dios, kundi nagsilakad sa mga palatuntunan ng Israel na kanilang ginawa.

20. At itinakuwil ng Panginoon ang buong binhi ng Israel, at pinighati sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kaniyang pinalayas sila sa kaniyang paningin.

21. Sapagka't kaniyang inihiwalay ang Israel sa sangbahayan ni David, at kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nabat: at pinahiwalay ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at pinapagkasala sila ng malaking kasalanan.

22. At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan;

23. Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.

24. At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon.

25. At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila.

26. Kaya't kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka't hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain.

27. Nang magkagayo'y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain.

28. Sa gayo'y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila'y marapat na matakot sa Panginoon.

29. Gayon ma'y bawa't bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa't bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan.

30. At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima,

2 Mga Hari 17