2 Mga Hari 16:1-8 Ang Biblia (TLAB)

1. Nang ikalabing pitong taon ni Peka na anak ni Remalias ay nagpasimulang maghari si Achaz na anak ni Jotham na hari sa Juda.

2. May dalawangpung taon si Achaz nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios, na gaya ni David na kaniyang magulang.

3. Kundi siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, oo, at kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harap ng mga anak ni Israel.

4. At siya'y naghain, at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy.

5. Nang magkagayo'y si Resin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma: at kanilang kinulong si Achaz, nguni't hindi nila nadaig.

6. Nang panahong yaon ay binawi ni Resin na hari sa Siria ang Elath sa Siria at pinalayas ang mga Judio sa Elath: at ang mga taga Siria ay nagsiparoon sa Elath, at tumanan doon, hanggang sa araw na ito.

7. Sa gayo'y nagsugo si Achaz ng mga sugo kay Tiglath-pileser na hari sa Asiria, na ipinasabi, Ako ang iyong lingkod at ang iyong anak: ikaw ay umahon, at iligtas mo ako sa kamay ng hari sa Siria at sa kamay ng hari sa Israel, na bumabangon laban sa akin.

8. At kinuha ni Achaz ang pilak at ginto na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ipinadalang kaloob sa hari sa Asiria.

2 Mga Hari 16