14. At si Manahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Thirza, at naparoon sa Samaria, at sinaktan si Sallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay niya siya at naghari na kahalili niya.
15. Ang nalabi nga sa mga gawa ni Sallum, at ang pagbabanta niya na kaniyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
16. Nang magkagayo'y sinaktan ni Manahem si Tiphsa, at ang lahat na nandoon, at ang mga hangganan niyaon, mula sa Thirza: sapagka't hindi nila siya pinabuksan, kaya't sinaktan niya; at ang lahat na babae na nandoon na buntis ay pinaluwa niya ang bituka.
17. Nang ikatatlongpu't siyam na taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Manahem na anak ni Gadi, at nagharing sangpung taon sa Samaria.
18. At kaniyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon: siya'y hindi humiwalay ng lahat niyang kaarawan sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
19. Naparoon laban sa lupain si Phul na hari sa Asiria; at binigyan ni Manahem si Phul ng isang libong talentong pilak, upang ang kamay niya'y sumakaniya, upang pagtibayin ang kaharian sa kaniyang kamay.
20. At siningil ni Manahem ng salapi ang Israel, ang lahat na makapangyarihang lalake na mayaman, na bawa't lalake ay limangpung siklo na pilak upang ibigay sa hari sa Asiria. Sa gayo'y ang hari sa Asiria ay bumalik, at hindi tumigil doon sa lupain.
21. Ang iba nga sa mga gawa ni Manahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
22. At natulog si Manahem na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Pekaia na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
23. Nang ikalimangpung taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Pekaia na anak ni Manahem sa Samaria, at nagharing dalawang taon.
24. At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
25. At si Peka na anak ni Remalias, na kaniyang punong kawal, ay nagbanta laban sa kaniya, at sinaktan siya sa Samaria, sa castilyo ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Ariph; at kasama niya'y limangpung lalake na mga Galaadita: at pinatay niya siya, at naghari na kahalili niya.
26. Ang iba nga sa mga gawa ni Pekaia, at ang lahat niyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
27. Nang ikalimangpu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari si Peka na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at nagharing dalawangpung taon.
28. At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
29. Nang mga kaarawan ni Peka na hari sa Israel ay naparoon si Tiglathpileser na hari sa Asiria, at sinakop ang Ihion, at ang Abel-bethmaacha, at ang Janoa, at ang Cedes, at ang Asor, at ang Galaad, at ang Galilea, ang buong lupain ng Nephtali; at kaniyang dinalang bihag sila sa Asiria.