2 Mga Hari 14:2-15 Ang Biblia (TLAB)

2. Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Joaddan na taga Jerusalem.

3. At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gayon man di gaya ni David na kaniyang magulang: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ni Joas na kaniyang ama.

4. Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

5. At nangyari, pagkatatag ng kaharian sa kaniyang kamay, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.

6. Nguni't ang mga anak ng mga mamamatay tao ay hindi niya pinatay; ayon doon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

7. Siya'y pumatay sa mga Idumeo ng sangpung libo sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela sa pakikipagdigma, at pinanganlang Jocteel, hanggang sa araw na ito.

8. Nang magkagayo'y nagsugo ng mga sugo si Amasias kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na sinasabi, Halika, tayo'y magtitigan,

9. At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang isang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.

10. Iyong tunay na sinaktan ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso: lumuwalhati ka nawa, at tumahan sa bahay: sapagka't bakit ka nakikialam sa ikasasama, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?

11. Nguni't hindi dininig ni Amasias. Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya, at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.

12. At ang Juda ay napariwara sa harap ng Israel; at sila'y tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.

13. At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas na anak ni Ochozias, sa Beth-semes, at naparoon sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.

14. At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at ang lahat na kasangkapan na masumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao at bumalik sa Samaria.

15. Ang iba nga sa mga gawa ni Joas na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y lumaban kay Amasias na hari sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

2 Mga Hari 14