1. Nang ikapitong taon ni Jehu ay nagpasimulang maghari si Joas: at siya'y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beerseba.
2. At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, sa lahat ng kaniyang kaarawan na ipinagturo sa kaniya ni Joiada na saserdote.
3. Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
4. At sinabi ni Joas sa mga saserdote, Ang buong salapi ng mga bagay na itinalaga na napasok sa bahay ng Panginoon, na karaniwang salapi, na salapi na inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawa't isa, at ang buong salapi na nagudyok sa puso ng sinomang lalake na dalhin sa bahay ng Panginoon.