2 Mga Hari 11:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Nang makita nga ni Athalia na ina ni Ochozias na ang kaniyang anak ay patay, siya'y tumindig at nilipol ang lahat na lahing hari.

2. Nguni't kinuha ni Josaba, na anak na babae ng haring Joram, na kapatid na babae ni Ochozias, si Joas na anak ni Ochozias, at kinuhang lihim siya sa gitna ng mga anak ng hari na nangapatay, siya, at ang kaniyang yaya, at inilagay sila sa silid na tulugan; at kaniyang ikinubli siya kay Athalia, na anopa't siya'y hindi napatay.

3. At siya'y nakakubling kasama niya sa bahay ng Panginoon na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain.

4. At nang ikapitong taon, si Joiada ay nagsugo, at kinuha ang mga punong kawal ng dadaanin, sa mga Cariteo, at sa bantay, at ipinagsama niya sa bahay ng Panginoon; at siya'y nakipagtipan sa kanila, at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari;

5. At kaniyang iniutos sa kanila, na sinasabi, ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi ninyo na papasok sa sabbath ay magiging bantay sa bahay ng hari;

6. At ang ikatlong bahagi ay malalagay sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay: gayon kayo magbabantay sa bahay, at magiging hadlang.

7. At ang dalawang pulutong ninyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na nagsilabas sa sabbath, ay magbabantay ng bahay ng Panginoon sa palibot ng hari.

8. At inyong kukulungin ang hari sa palibot, na bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at ang pumasok sa hanay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y lumalabas, at pagka siya'y pumapasok.

9. At ginawa ng mga punong kawal ng dadaanin ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at kinuha ng bawa't lalake ang kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath na kasama ng mga nagsisilabas sa sabbath, at nagsiparoon kay Joiada na saserdote.

10. At ibinigay ng saserdote sa mga punong kawal ng dadaanin ang mga sibat at ang mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Panginoon.

11. At ang bantay ay tumayo, bawa't isa'y may kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.

12. Nang magkagayo'y inilabas niya ang anak ng hari, at inilagay niya ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo; at ginawa nila siyang hari, at pinahiran siya ng langis; at kanilang ipinakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, Mabuhay ang hari.

2 Mga Hari 11