2 Mga Hari 10:20-36 Ang Biblia (TLAB)

20. At sinabi ni Jehu, Magdaos kayo ng isang dakilang kapulungan kay Baal. At kanilang itinanyag yaon.

21. At nagsugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng mananamba kay Baal ay nagsiparoon, na anopa't walang naiwan na hindi naparoon. At sila'y nagsipasok sa bahay ni Baal; at ang bahay ni Baal ay napuno sa magkabikabilang dulo.

22. At sinabi niya sa kaniya na katiwala sa bihisang-silid, Ilabas mo ang mga kasuutang para sa lahat na mananamba kay Baal. At nilabasan niya sila ng mga kasuutan.

23. At si Jehu, at si Jonadab na anak ni Rechab, ay pumasok sa bahay ni Baal; at kaniyang sinabi sa mga mananamba kay Baal, Kayo'y magsihanap, at magsipagmasid kayo na huwag magkaroon sa kasamahan ninyo ng mga lingkod ng Panginoon, kundi mga mananamba kay Baal lamang.

24. At sila'y nagsipasok na nangaghandog ng mga hain at ng mga handog na susunugin. Si Jehu nga ay naghalal para sa kaniya ng walongpung lalake sa labas, at nagsabi, Kung sinoman sa mga lalake na aking dalhin sa inyong mga kamay ay makatanan ang buhay ng nagpakawala ay isasagot sa buhay niyaon.

25. At nangyari, pagkatapos niyang makapaghandog ng mga handog na susunugin, na sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong kawal, Kayo'y magsipasok at inyo silang patayin; huwag makalabas ang sinoman. At sinaktan nila sila ng talim ng tabak; at inihagis sila sa labas ng bantay, at ng mga punong kawal, at nagsiparoon sa bayan ng bahay ni Baal.

26. At kanilang inilabas ang mga haligi na pinakaalaala na nasa bahay ni Baal, at pinagsunog.

27. At kanilang sinira ang haligi na pinakaalaala kay Baal, at sinira ang bahay ni Baal, at ginawang bahay na tapunan ng dumi, hanggang sa araw na ito.

28. Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal, sa Israel.

29. Gayon ma'y ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang pinapagkasala sa Israel, hindi mga hiniwalayan ni Jehu, sa makatuwid baga'y ang pagsunod sa mga guyang ginto na nangasa Beth-el, at nangasa Dan.

30. At sinabi ng Panginoon kay Jehu, Sapagka't ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa harap ng aking mga mata, at iyong ginawa sa sangbahayan ni Achab ang ayon sa nasa aking buong puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na lahi ay uupo sa luklukan ng Israel.

31. Nguni't si Jehu ay hindi nagingat na lumakad sa kautusan ng Panginoon, na Dios ng Israel, ng kaniyang buong puso: siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala sa Israel.

32. Nang mga araw na yaon ay pinasimulan ng Panginoon na pinaikli ang Israel: at sinaktan sila ni Hazael sa lahat ng mga hangganan ng Israel;

33. Mula sa Jordan, hanggang sa silanganan, ang buong lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita at ang mga Manasita, mula sa Aroer, na nasa siping ng libis ng Arnon, hanggang sa Galaad at Basan.

34. Ang iba nga sa mga gawa ni Jehu, at ang lahat niyang ginawa, at ang buo niyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

35. At si Jehu ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria. At si Joachaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

36. At ang panahon na ipinaghari ni Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawangpu't walong taon.

2 Mga Hari 10