9. At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawangpung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato: ni nagkaroon pa man ng gayong espesia na gaya ng ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.
10. At ang mga bataan naman ni Hiram, at ang mga bataan ni Salomon, na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, nagsipagdala ng mga kahoy na algum at mga mahalagang bato.
11. At ginawang mga hagdanan ng hari ang mga kahoy na algum sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at mga alpa, at mga salterio na ukol sa mga mangaawit: at wala nang nakita pang gaya niyaon sa lupain ng Juda.
12. At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang nasa, anomang hiningi niya, bukod sa timbang ng kaniyang dinala sa hari. Sa gayo'y siya'y bumalik, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya at ang kaniyang mga lingkod.
13. Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,
14. Bukod doon sa dinala ng mga manglalako at mga mangangalakal; at ang lahat na hari sa Arabia at ang mga tagapamahala sa lupain ay nagsipagdala ng ginto at pilak kay Salomon.
15. At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklo na pinukpok na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.
16. At siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na pinukpok na ginto; tatlong daang siklo na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at inilagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.
17. Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng taganas na ginto.
18. At may anim na baytang sa luklukan, at isang gintong tungtungan, na mga nakakapit sa luklukan, at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.
19. At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.
20. At ang lahat na sisidlang inuman ni Salomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto; ang pilak ay hindi mahalaga sa mga kaarawan ni Salomon.
21. Sapagka't ang hari ay may mga sasakyan na nagsisiparoon sa Tharsis na kasama ng mga bataan ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat ng Tharsis, na nagsisipagdala ng ginto, at pilak, garing, at mga ungoy, at mga pabo real.