9. Nguni't sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon sa kaniyang gawain; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at mga pinuno sa kaniyang mga pinunong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
10. At ito ang mga pangulong pinuno ng haring Salomon, na dalawang daan at limang pu na nagpupuno sa bayan.
11. At iniahon ni Salomon ang anak na babae ni Faraon mula sa bayan ni David hanggang sa bahay na kaniyang itinayo na ukol sa kaniya; sapagka't kaniyang sinabi, Hindi tatahan ang aking asawa sa bahay ni David na hari sa Israel, sapagka't ang mga dako ay banal na pinagpasukan sa kaban ng Panginoon.
12. Nang magkagayo'y naghandog si Salomon sa Panginoon ng mga handog na susunugin, sa dambana ng Panginoon, na kaniyang itinayo sa harap ng portiko,
13. Sa makatuwid baga'y ayon sa kailangan sa bawa't araw, na naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na makaitlo sa isang taon, sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga balag.