17. Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.
18. Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!
19. Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:
20. Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
21. At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.
22. Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
23. Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
24. At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:
25. Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.
26. Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:
27. Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
28. Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;
29. Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito: