2 Mga Cronica 32:17-29 Ang Biblia (TLAB)

17. Siya'y sumulat din ng mga sulat upang tungayawin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at upang magsalita laban sa kaniya, na sinasabi, Kung paanong hindi iniligtas ng mga dios ng mga bansa ng mga lupain ang kanilang bayan sa aking kamay, gayon hindi iniligtas ng Dios ni Ezechias ang kaniyang bayan sa aking kamay.

18. At siya'y sumigaw ng malakas sa wikang Judio sa bayan ng Jerusalem na nasa kuta, upang takutin sila, at upang bagabagin sila; upang kanilang masakop ang bayan.

19. At sila'y nangagsalita tungkol sa Dios ng Jerusalem, na gaya sa mga dios ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

20. At si Ezechias na hari, at si Isaias na propeta na anak ni Amos, ay nagsidalangin dahil dito, at nagsidaing sa langit.

21. At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel, na naghiwalay ng lahat na makapangyarihang lalaking may tapang, at ng mga pangulo at mga pinunong kawal, sa kampamento ng hari sa Asiria. Sa gayo'y bumalik siya na nahihiya sa kaniyang sariling lupain. At nang siya'y dumating sa bahay ng kaniyang dios, ay pinatay siya roon ng tabak ng nagsilabas sa kaniyang sariling tiyan.

22. Ganito iniligtas ng Panginoon si Ezechias at ang mga taga Jerusalem sa kamay ni Sennacherib na hari, sa Asiria, at sa kamay ng lahat na iba, at pinatnubayan sila sa bawa't dako.

23. At marami ay nangagdala ng mga kaloob ng Panginoon sa Jerusalem, at ng mga mahalagang bagay kay Ezechias na hari sa Juda: na anopa't siya'y nataas sa paningin ng lahat na bansa mula noon.

24. Nang mga araw na yao'y nagkasakit ng ikamamatay si Ezechias: at siya'y dumalangin sa Panginoon; at siya'y nagsalita sa kaniya, at binigyan niya siya ng tanda.

25. Nguni't si Ezechias ay hindi nagbayad uli ng ayon sa kabutihang ginawa sa kaniya; sapagka't ang kaniyang puso ay nagmataas: kaya't nagkaroon ng kapootan sa kaniya, at sa Juda, at sa Jerusalem.

26. Gayon ma'y nagpakababa si Ezechias dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya, at gayon din ang mga taga Jerusalem, na anopa't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga kaarawan ni Ezechias.

27. At si Ezechias ay nagkaroon ng malabis na mga kayamanan at karangalan: at siya'y nagtaan para sa kaniya, ng mga ingatang-yaman na ukol sa pilak, at sa ginto; at sa mga mahalagang bato, at sa mga espisia, at sa mga kalasag, at sa lahat na sarisaring mabubuting mga sisidlan:

28. Mga kamalig din naman na ukol sa saganang trigo, at alak at langis; at mga silungan na ukol sa lahat na sarisaring hayop, at mga silungan na ukol sa mga kawan.

29. Bukod dito'y nagtaan siya sa kaniya ng mga bayan, at mga pag-aari na mga kawan at mga bakahan na sagana: sapagka't binigyan siya ng Dios ng maraming tinatangkilik.

2 Mga Cronica 32