1. Pagkatapos ng mga bagay na ito, at ng pagtatapat na ito, ay naparoon si Sennacherib na hari sa Asiria at pumasok sa Juda, at humantong laban sa mga bayan na nakukutaan, at kaniyang inisip sakupin upang kaniyahin.
2. At nang makita ni Ezechias na si Sennacherib ay dumating, at siya'y tumalaga na lumaban sa Jerusalem,
3. Ay nakipagsanggunian siya sa kaniyang mga prinsipe at sa kaniyang mga makapangyarihang lalake upang patigilin ang tubig sa mga bukal na nangasa labas ng bayan at kanilang tinulungan siya.
4. Sa gayo'y nagpipisan ang maraming tao sa bayan at kanilang pinatigil ang lahat na bukal, at ang batis na umaagos sa gitna ng lupain, na sinasabi, Bakit paririto ang mga hari sa Asiria, at makakasumpong ng maraming tubig?
5. At siya'y nagdalang tapang, at itinayo niya ang lahat na kuta na nabagsak, at pinataas pa ang mga moog, at ang ibang kuta sa labas, at pinagtibay ang Millo sa bayan ni David, at gumawa ng mga sandata at mga kalasag na sagana.
6. At siya'y naglagay ng mga pinunong kawal sa bayan na mangdidigma, at pinisan niya sila sa luwal na dako sa pintuang-bayan, at nagsalita na may kagandahang loob sa kanila, na sinasabi,
7. Kayo'y mangagpakalakas at mangagpakatapang na mabuti, huwag ninyong katakutan o panglupaypayan man ang hari sa Asiria, o ang buong karamihan man na kasama niya; sapagka't may lalong dakila sa atin kay sa kaniya:
8. Sumasakaniya ay isang kamay na laman; nguni't sumasaatin ay ang Panginoon nating Dios upang tulungan tayo, at ipakipaglaban ang ating mga pagbabaka, At ang bayan ay sumandal sa mga salita ni Ezechias na hari sa Juda.
9. Pagkatapos nito'y sinugo ni Sennacherib na hari sa Asiria ang kaniyang mga lingkod sa Jerusalem, (siya nga'y nasa harap ni Lachis, at ang kaniyang buong kapangyarihan ay sumasa kaniya,) kay Ezechias na hari sa Juda, at sa buong Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,
10. Ganito ang sabi ni Sennacherib na hari sa Asiria, Sa ano kayo nagsisiasa na kayo'y nagsisitahan sa pagkakubkob sa Jerusalem?
11. Hindi ba kayo hinihikayat ni Ezechias, upang kayo'y ibigay sa pagkamatay sa pamamagitan ng kagutom at ng kauhaw, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon nating Dios sa kamay ng hari sa Asiria?
12. Hindi ba ang Ezechias ding ito ang nagalis ng kaniyang mga mataas na dako at ng kaniyang mga dambana, at nagutos sa Juda at sa Jerusalem, na sinasabi, Kayo'y magsisisamba sa harap ng isang dambana, at sa ibabaw niyao'y mangagsusunog kayo ng kamangyan.
13. Hindi ba ninyo nalalaman, kung ano ang ginawa ko at ng aking mga magulang sa lahat ng bayan ng mga lupain? Ang mga dios ba ng mga bansa ng mga lupain ay nakapagligtas sa anomang paraan ng kanilang lupain sa aking kamay?
14. Sino sa lahat ng mga dios ng mga bansang yaon na lubos na giniba ng aking mga magulang na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, upang kayo'y mailigtas ng inyong Dios sa aking kamay?