2 Mga Cronica 28:16-26 Ang Biblia (TLAB)

16. Nang panahong yao'y nagsugo ang haring Achaz sa mga hari sa Asiria upang tulungan siya.

17. Sapagka't nagsiparoon uli ang mga Idumeo at sinaktan ang Juda, at dinalang bihag.

18. Nilusob naman ng mga Filisteo ang mga bayan ng mababang lupain, at ang Timugan ng Juda, at sinakop ang Beth-semes, at ang Ajalon, at ang Gederoth, at ang Socho pati ang mga nayon niyaon, at ang Timna pati ang mga nayon niyaon, ang Gimzo man at ang mga nayon niyaon: at sila'y nagsitahan doon.

19. Sapagka't ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Achaz na hari sa Israel; sapagka't hinubaran ang Juda, at sumalangsang na mainam laban sa Panginoon.

20. At si Tilgath-pilneser na hari sa Asiria ay naparoon sa kaniya, at ginipit siya, nguni't hindi siya pinalakas.

21. Sapagka't si Achas ay kumuha ng bahagi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari at sa mga prinsipe, at ibinigay sa hari sa Asiria: nguni't hindi siya tinulungan.

22. At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz.

23. Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.

24. At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem.

25. At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.

26. Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.

2 Mga Cronica 28