1. Si Achaz ay may dalawangpung taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, na gaya ni David na kaniyang magulang.
2. Kundi siya'y lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iginawa rin naman ng mga larawang binubo ang mga Baal.
3. Bukod dito'y nagsunog siya ng kamangyan sa libis ng anak ni Hinnom, at sinunog ang kaniyang mga anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na mga pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
4. At siya'y naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't punong kahoy na sariwa.
5. Kaya't ibinigay ng Panginoon niyang Dios siya sa kamay ng hari sa Siria; at sinaktan nila siya, at tumangay sa kaniya ng isang malaking karamihang bihag, at mga dinala sa Damasco. At siya nama'y nabigay sa kamay ng hari sa Israel na siyang sumakit sa kaniya ng malaking pagpatay.
6. Sapagka't si Peca na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isang daan at dalawangpung libo sa isang araw, silang lahat ay mga matapang na lalake; sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang.
7. At pinatay ni Zichri, na makapangyarihang lalake sa Ephraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa bahay, at si Elcana na pangalawa ng hari.
8. At ang mga anak ni Israel ay nagsipagdala ng bihag sa kanilang mga kapatid na dalawang daang libo, mga babae, mga anak na lalake at babae, at nagsipaglabas din ng maraming samsam na mula sa kanila, at dinala ang samsam sa Samaria.