2 Mga Cronica 20:16-31 Ang Biblia (TLAB)

16. Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila'y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel.

17. Kayo'y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka't ang Panginoon ay sumasa inyo.

18. At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon.

19. At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.

20. At sila'y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila'y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo'y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo'y giginhawa kayo.

21. At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.

22. At nang sila'y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila'y nangasugatan.

23. Sapagka't ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila'y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa't isa'y tumulong na lumipol sa iba.

24. At nang ang Juda ay dumating sa bantayang moog sa ilang, sila'y nagsitingin sa karamihan; at, narito, mga bangkay na nangakabuwal sa lupa, at walang nakatanan.

25. At nang si Josaphat at ang kaniyang bayan ay magsiparoon upang kunin ang samsam sa kanila, kanilang nasumpungan sa kanila na sagana ay mga kayamanan at mga bangkay, at mga mahahalagang hiyas na kanilang mga sinamsam para sa kanilang sarili, na higit kay sa kanilang madala: at sila'y nagsidoon na tatlong araw, sa pagkuha ng samsam, na totoong marami.

26. At nang ikaapat na araw, sila'y nagpupulong sa libis ng Baracah; sapagka't doo'y kanilang pinuri ang Panginoon: kaya't ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Libis ng Baracah, hanggang sa araw na ito.

27. Nang magkagayo'y nagsibalik sila, bawa't lalake sa Juda, at sa Jerusalem, at si Josaphat ay sa unahan nila, upang bumalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.

28. At sila'y nagsiparoon sa Jerusalem na may mga salterio at mga alpa, at mga pakakak sa bahay ng Panginoon.

29. At ang takot sa Dios ay napasa lahat na kaharian ng mga lupain, nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.

30. Sa gayo'y ang kaharian ni Josaphat ay natahimik: sapagka't binigyan siya ng kaniyang Dios ng kapahingahan sa palibot.

31. At si Josaphat ay naghari sa Juda: siya'y may tatlong pu't limang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

2 Mga Cronica 20